Thu. May 9th, 2024

ILANG taon na pala ang lumipas mula noong nagsimula akong mangarap sa harapan ng simbahan. Kung minsan, naiisip ko na hindi na kailanman uunlad ang buhay ko. Hanggang dito na lamang marahil ako. Hindi kami nakapag-aral. Wala kami mapasukang trabaho. Nakadagdag pa sa problema ang pagmumukmok ni Itay sa loob ng bahay simula noong iwanan kami ni Inay.

Sa totoo lang, nahihirapan na talaga ako. Kung minsan, nawawalan na ako ng gana sa mundo. Madalas, binubuhay ko na lang ang loob ko sa pananaginip at pangangarap – mga gawaing maaari mong gawin kahit pa wala kang hawak na salapi.

Si Inay. Kung bakit naman kasi niya nakita ulit iyong dati niyang manliligaw? Mayaman ang Ramon na iyon kaya sumama si Inay. Nagsawa na siguro sa buhay namin. Nagulat nga ako noong sabihin ni Itay minsan sa amin na mayaman ang pamilya ng aming ina sa Tarlac. Nagkakilala lamang sila noong nag-aaral ng kolehiyo si Inay. Labing-anim na taon lamang sila pareho noon. Wala pang isang taon na nag-aaral si Inay sa isang pribadong unibersidad sa Maynila.

Nagkaroon sila ng relasyon at galit na galit ang mga magulang ni Inay nang malaman ang tungkol dito. Nakakatuwaang isipin na noong papiliin siya ay pinili niya ang aking ama.

Ang pag-ibig nga naman! Makapangyarihan.

Ngunit gaano man katindi ay kumukupas din kung minsan. Sino ba mag-aakalang iiwan niya si Itay? Kahit naghihirap kami ay nakikita ko, pati ng ibang tao, na mahal na mahal niya ito. Siguro nga nagbabago ang lahat ng bagay, ang bawat tao, pati na ang pag-ibig. Hindi katulad ng mga nababasa ko sa mga komiks na napapasama sa mga diyaryo at papel na ipinatitimbang at ibinibenta sa amin.

Nakakapanlumo. Kalahating taon na mula noong iwan kami ni Inay pero hanggang ngayon ay nasasaktan pa rin si Itay. Ang unang pag-ibig daw ay hindi namamatay bagama’t ang iba ay nagagawa rin itong limutin kasabay ng paglimot ng panahon sa isang pagmamahalan na nagpadaig sa hamon ng pagkakataon.

Unang pag-ibig. Noon, akala ko, nag-umpisa na ang pagsibol nito sa pagitan namin ni Cita. Mali pala ako. Laro lamang pala ang kasal-kasalan. Pati kaya ang sagot niya na ako ang papakasalan niya sa hinaharap ay parte lamang ng laro?

Sa totoo lang, naiinggit ako kay Pael. Bukod sa nagagandahan ako sa pangalang Rafael at napapangitan sa pangalan ko na “Fernan”, dahil isinunod iyon ng nanay ko sa pangalan ng kanyang ama, ay hinahangad ko rin na maging si Pael dahil malapit siya kay Cita. Lahat alam niya tungkol dito. Siguro nga nagkakagustuhan na ang dalawang iyon. Napakasuwerte naman ni Pael!

Malaki-laki na rin ang ipinagbago ng bawat isa sa amin. Sina Noni at Ningning, nasa mataas na paaralan na. Si Biboy at si Isyang naman ay mahigit isang taon nang nagsasama. Tatlong buwan na ang kanilang anak. Ako naman, nahilig sa mga komiks na iniipon ko mula sa mga papel habang nangangarap na makagawa ng kahit isa nito pagdating ng araw. Habang sina Pael at Cita naman ay naging matalik na magkaibigan—at sa tingin ko nga ay hindi lang sila basta magkaibigan.

Saglit akong umupo sa gilid ng simbahan. Naisip ko bigla si Inay. Kumusta na kaya siya? Gusto kong magalit sa kanya ngunit hindi ko magawang magtanin ng sama ng loob. Siya pa rin ang aking ina at hanggang ngayon ay ipinagdarasal ko pa rin na magbago ang isip niya para bumalik na sa dating sigla si Itay. Ipinikit ko ang aking mga mata.

Walang anu-ano ay may tumapik sa aking balikat. “Fer, may problema ba? Kanina pa kita tinitingnan.”

Dumilat ako. Nakita ko si Cita.

“Wala,” sagot ko. “Naalala ko lang si Inay.”

“Ilang buwan na rin pala,” malungkot niyang sambit.

Umiling lamang ako.

Hindi ko alam pero gusto kong umalis na si Cita. Palagi akong ganito sa kanya. Ayaw kong palagi kami magkasama dahil lalo lang magiging mahirap para sa akin na kalimutan siya. Alam ko naman na masaya na siya kay Pael.

“Fer,” pagbasag niya sa katahimikan.

“Bakit?” walang emosyong tanong ko.

“Nagbago ka na talaga,” puna niya. “Ang laki na ng pinagbago mo.”

“Nagbago?” gulat kong tanong kay Cita. “Paanong nagbago?”

“Naging tahimik ka na. Palagi ka na lang mag-isa.”

Gusto kong sabihin ang dahilan kung bakit—pero hindi ko iyon gagawin.

Subalit sana maisip niya rin na mahirap ang situwasyon ko. Sino ba ang sasamahan ko? Wala sina Noni at Ningning. Sina Biboy at Isyang naman ay sa kabilang barangay na nakatira simula noong maging tagapagbantay sila ng isang lumang bahay doon.

Gusto ko siyang sagutin na: “Tayong tatlo na lang nila Pael ang naiwan dito pero ‘di ko pa kayo makasama dahil abala kayo sa isa’t isa.”

Pero ang sinabi ko na lang ay, “Nag-iisip kasi ako ng mga kuwento.”

“Kuwento?” tanong niya. “Anong kuwento?

“Oo,” tugon ko. “Pangarap ko na makagawa ng sarili kong komiks pagdating ng panahon.”

“Totoo ba ‘yan?” namilog ang kanyang mga mata.

“Oo. Marunong naman akong gumuhit. Naalala mo ba noong nasa elementarya pa lang sina Ningning at Noni, tinuturuan ako ni Ningning magsulat kapag bakasyon. Binigyan niya ako ng mga papel at tatlong lapis bago siya bumalik sa tinitirahan nila sa Quezon. Wala naman akong masyadong magawa sa mga ‘yon, nakakasawa rin na isulat paulit-ulit ang pangalan ko, kaya sinubukan kong gumuhit.”

“Hindi mo iyan nabanggit sa akin kahit kailan, ha.”

“Si Ningning lang ang may alam, pati na si Kuya Roberto.”

“Gumuhit ka pa ba?” tanong niya. “Hindi ko kasi napapansin, e.”

“Minsan na lang,” sagot ko. “Doble-kayod na kasi ako ngayon, e.”

“May gusto ka ba kay Ningning?” biglang tanong niya.

“Ako?” gulat kong tanong. “Matalik kong kaibigan si Ningning.”

“Maaari naman iyon. Hindi ba?”

“Siguro. Teka, parang kayo ni Pael?”

“Malabo iyon,” tugon niya.

“Bakit naman?” usisa ko.

“Mayroon na akong ibang iniibig, e.”

“Sino naman?” Gusto kong malaman.

“Cyn!” Si Pael iyon.

“Pael!” sagot naman ni Cita.

“Alis na tayo.” Lumapit si Pael sa amin. “Gusto mo sumama, Fer?”

“Saan pupunta?” tanong ko.

“Bibisitahin lang namin sina Biboy at Isyang. Kaarawan ni Isyang, nakalimutan mo ba?”

Nakalimutan ko nga. Bigla akong nakonsensya.

“Tara! Papunta rin naman talaga ako roon,” pagsisinungaling ko.

(Ang Cynthia ay nailathala sa pahayagang Balita, ang tabloid ng Manila Bulletin, simula 2013 hanggang 2014. Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)

For novels that make the world stop and make the world go, visit Traffic Digest‘s Series Section.

By Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic, Muli, Minsan Okay Lang Ma-traffic, and 12.31.23; the books that were published following the success of her literary Facebook blog, Minsan Okay Lang Ma-traffic. A journalist for over a decade now, she worked as a news reporter for Manila Bulletin from 2014 to 2018, covered entertainment and social news beats as a senior writer at Definitely Filipino since 2015, and co-owns Traffic Digest and Reels. People. Words. news sites since 2022. Aside from her journey as a news and literary writer, she has also been a speaker and a judge for campus journalism workshops and competitions, and a senior content strategist at The SVEN Group.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *