Fri. May 10th, 2024
naliligo

Ang E Sino Ang Naliligo? ay base sa isang tunay na kuwento. Iniba lamang ang ilang karakter at tagpo para maprotektahan ang mga tunay na tao.

Gustung-gusto na niyang gumamit ng palikuran ngunit wala siyang magawa kung hindi maghintay.

Hindi niya alam kung sino ang naroon ngunit nais niya sanang katukin ang naliligo para magmadali na ito. Gayunman, hindi niya ito ginawa dahil kagigising lamang niya at medyo mabigat pa ang katawan.

Mula sa kuwarto niya, na ilang hakbang lamang mula sa banyo, ay dinig na dinig niya ang tunog ng pagbuhos ng tubig at ang paulit-ulit na pagtama ng tabo sa palanggana habang sumasalok ang naliligo. Dahil tuluy-tuloy ang pagbubuhos, naisip niya na marahil ay nagbabanlaw na ang naroon at hindi na matagal ang hihintayin niya.

Pero nagkamali siya.

Akmang tatayo na siya para sabihan ang naliligo na pakibilisan naman nang marinig na may kumakatok sa pintuan. Pinagbuksan niya ito. Nagulat siya nang makita ang nanay, tatay, kapatid, tiyahin, at dalawang pinsan niya. Wala pala siyang kasama sa bahay kanina. Sama-sama palang namili ang mga ito ng ihahanda para sa darating na kaarawan ng bunso niyang pinsan.

Umalis na rin sila roon pagkalipas ng ilang buwan dahil natapos na ang ipinatatayo nila sariling bahay.

Pagkalipas ng halos kalahating dekada, nakasalubong niya ang tagapangalaga ng bahay. Naikuwento niya ang hindi niya malilimutang karanasan.

Nalaman niya na sa bahay na iyon pala namatay ang tatlong taong gulang na anak ng may-ari. Naglalaro raw ito ng tubig sa palanggana habang pinanonood ng ina. Sa kasamaaang palad, naganap ang isang trahedya. Nadulas ang paslit at nabagok sa pader.

Dahil sa kalungkutan, lumipad sa ibang bansa ang mag-asawa ilang buwan pagkatapos mailibing ang paslit. Hindi na sila bumalik pa ng Pilipinas. Ang renta sa nasabing bahay ay sa tagapangalaga nito, na dating yaya ng anak nila, na rin napupunta.

Ngayon, may tatlo na silang supling. May sanggol na apo na rin sila sa unang anak na isinilang sa Amerika.

“Paano, mauna na ako,” paalam ng matandang tagapangalaga ng bahay.

“Sige ho,” tugon niya.

Bagamat hindi niya sigurado kung ang bata nga ang nagparamdam sa kanya o iba pang kaluluwa na nakikisalamuha pa rin sa mga buhay, nakaramdam siya ng kirot sa dibdib. May mga kaluluwa marahil na nalulungkot dahil hindi pa rin nila natatagpuan ang liwanag, habang ang mga minamahal nila ay nagpatuloy na sa kani-kanila nitong mga buhay at maaaring nakalimutan na sila.

Simula noon, ang nakapanghihilakbot na pangyayaring iyon sa banyo ay lungkot na ang hinahatid sa kanya sa tuwing naaalala niya.

Palagi na rin kasama ang paslit–at ang mga kaluluwang hindi pa rin nakatatagpo ng kapanatagan – sa kanyang mga panalangin sa tuwing Araw Ng Mga Patay.

Naisip niya, ang mga kaluluwa, katulad ng mga buhay, ay naghahangad din ng pagmamahal, pagkalinga, at pag-alaala.

© Minsan Okay Lang Ma-traffic | 2017

For mystery and paranormal stories that make the world stop and make the world go, visit Traffic Digest‘s Mystery & Horror Section.

By Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic, Muli, Minsan Okay Lang Ma-traffic, and 12.31.23; the books that were published following the success of her literary Facebook blog, Minsan Okay Lang Ma-traffic. A journalist for over a decade now, she worked as a news reporter for Manila Bulletin from 2014 to 2018, covered entertainment and social news beats as a senior writer at Definitely Filipino since 2015, and co-owns Traffic Digest and Reels. People. Words. news sites since 2022. Aside from her journey as a news and literary writer, she has also been a speaker and a judge for campus journalism workshops and competitions, and a senior content strategist at The SVEN Group.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *