Mon. May 13th, 2024
Hotdog sandwich snatcher

Sabi nila, habang may buhay, may pag-asa—pag-asang magbago, pag-asang magsimula muli, pag-asang umasenso, pag-asang umunlad bilang tao. Ito ang pinatunayan ni Augusto Virgo, ang vendor na nasa likod ng sikat na hotdog sandwich overload sa Divisoria na isa palang dating snatcher.

Hotdog sandwich holdaper
Screenshot from TikimTV’s YouTube video

Sa YouTube channel na TikimTV, itinampok ang madalas mag-viral sa iba’t ibang social networking site kagaya ng Facebook at TikTok na si Augusto. Dito ay ibinahagi niya na siyam na taon pa lamang siya nang umalis sa kanilang bahay sa Batangas dahil sa pangmamaltrato ng kanyang stepfather at napadpad sa Maynila.

Labindalawang taong gulang lamang daw siya nang nagsimulang gumawa ng hindi magagandang bagay kagaya ng pang-snatch noon sa Divisoria dahil wala na raw siyang ibang magawa sa murang edad upang mabuhay.

“Hindi ko kilala ‘yong Diyos noong araw. Pakialam ko sa Diyos,” pag-amin ni Augusto na hindi raw itinatago ang kanyang nakaraan dahil sa pagbabagong niyakap niya.

Ngunit ngayon, ang dating hinahabol ng mga alagad ng batas ay dinarayo na dahil sa kanyang tinda na ang mga suki ay call center agents, nurses, doctors, pati na mga pulis. Bukod pa rito, may mga taga-Rizal at Bulacan pa raw na sinasadya ang ibinebenta niya.

“Ako lang daw ang may tinda na gano’n na hindi sila tinitipid,” masayang wika ng tindero na tuwang-tuwa raw kapag napapangiti ang mga customer.

Apat na klase ng overloaded hotdog sandwich and tinda niya—jumbo, king size, giant, at cheese—na nagkakahalagang P35 hanggang P60. May gulaman din na P10 lamang ang halaga.

“Kaya po hotdog kasi paglaya ko, mayro’n naghiyat sa akin na magtinda sa kanya. Doon ko sa kanya natutunan iyan,” pagbabahagi niya. “Noong nasa kulungan kasi ako, nagtrabaho ako roon, nagtanim ako roon para makapag-ipon ako ng pera dahil iniisip ko lalaya pa rin naman ako, e….Iyong pera na ‘yon, ayon ang naging simula, simula ng puhunan ko.”

Ang bagong buhay ni Augusto

“‘Yong dating ako, nakalibing na ‘yon. Iba na ‘to,” ani Agusto, na binago ang buhay niya sa araw mismo ng Pasko noong Disyembre 25, 2014.

Labis siyang nagpapasalamat sa pulis na nakilala niya noong pabalik-balik pa siya sa presinto, na kailanman ay hindi siya sinaktan at bagkus ay ipinaunawa ang kanyang kamalian.

Panoorin ang buong panayam ng TikimTV sa trending vendor sa likod ng hotdog sandwich overload sa Divisoria na dati palang snatcher:

For life stories that make the world stop and make the world go, visit Traffic Digest‘s Stories Section.

By Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic, Muli, Minsan Okay Lang Ma-traffic, and 12.31.23; the books that were published following the success of her literary Facebook blog, Minsan Okay Lang Ma-traffic. A journalist for over a decade now, she worked as a news reporter for Manila Bulletin from 2014 to 2018, covered entertainment and social news beats as a senior writer at Definitely Filipino since 2015, and co-owns Traffic Digest and Reels. People. Words. news sites since 2022. Aside from her journey as a news and literary writer, she has also been a speaker and a judge for campus journalism workshops and competitions, and a senior content strategist at The SVEN Group.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *