Huli na nang madala sa beterinaryo ang tuta na ihinagis ng isang mall security guard mula sa footbridge.
Sa post ng Animal Welfare Foundation (AKF), nagpahayag ng pagkadismaya ang grupo sa ginawa ng guwardya sa tuta sa harapan pa mismo ng mga batang may-ari nito. Dead on arrival na umano ang tuta kahit pa agad itong naitakbo sa pagamutan sa tulong ng isang representative mula sa mall na pinagtatrabahuhan ng suspect.
“AKF condemns this act of cruelty on an innocent puppy which caused its life. Worst, this act of violence was done in front of the owners who are just kids,” saad ng AKF sa isang Facebook post. “A clear case of ANIMAL CRUELTY and CHILD ABUSE is present. JUSTICE MUST BE SERVED.”
Matatandaang nag-viral nitong Martes ang tungkol sa sinapit ng tuta matapos mag-post ang concerned citizen na si Janine Santos habang humihingi ng hustisya. Ayon sa kanya, pinaaalis ng guard ang mga batang nagmamay-ari sa tuta ngunit ayaw umalis ng mga ito. Sa inis umano, kinuha ng guwardya ang alaga ng mga ito at ihinagis ito mula sa footbridge.
“Please po! Pa-share po para mabigyan ng hustisya ‘yong ginawa doon sa tuta. Nakakaawa ‘yong mga batang may-ari,” aniya.
Kuwento pa ng nag-post, kinausap ng isang lalaki ang guard ngunit sa halip na makonsensya ay sinabi nitong, “Wala akong paki.”
For animal features and information that make the world stop and make the world go, visit Traffic Digest‘s Animal Section.