Sat. May 11th, 2024

Pinaiyak din ba kayo ng batang si Ye Sung sa Korean drama hit movie na “Miracle in Cell no. 7” na ipinalabas noong 2013?

Ang role ni Ye Sung  ay ginampanan ng mahusay na batang aktres na si Kal So-won na 7-anyos pa lamang nang ipalabas noon ang pelikulang humaplos sa puso ng marami. Labis na naging popular ang pelikula kaya nagkaroon ito ng adaptation sa Turkey at maging sa Pilipinas na parehong nakaiiyak din.

Ang Miracle in Cell No. 7 ay tungkol sa isang lalaking mentally challenged na nabilanggo dahil sa maling akusasyon. Naging kaibigan niya ang mga kasama niya sa selda na tumulong sa kanya upang makasama niya sa loob ang anak na si Ye Sung.

Si Kal So-won ay nakilala nang husto dahil sa mahusay na pagganap niya na nagbigay-daan sa nominasyon sa kanya sa Grand Bell Award bilang Best New Actress at Best Actress. Ngunit bago ito, una siyang napanood sa television series na Take Care of Us, Captain (2012)

Dahil sa mahusay na pagganap niya sa Miracle in Cell no. 7 ay naging sunud-sunod ang paglabas niya sa mga TV drama at pelikula. Napabilang din siya sa Birth Secret (2013) at sa My Daughter, Geum Sa-wol (2015). Siya ang gumanap na batang bersyon ng sirenang si Se Wha sa pelikulang Legend of the Blue Sea (2016) at na napanood din siya sa A Korean Odyssey noong 2017 at marami pang iba.

Pebrero 2014 nang pumirma siya ng eksklusibong kontrata bilang artist sa ilalim ng YG Entertainment, ang popular na talent agency, record label at music production company sa South Korea. Fyi, may talento rin pala siya sa pag-awit!

Taong 2019 nagbahagi ng larawan ang aktor na si Ryu Sung Ryeong, na siyang gumanap na ama ni Ye Sung sa Miracle in Cell no. 7, na magkasama sila ni Kal So-won. Sinabi niya na malaki na si “Ye Sung.”

“Father-daughter reunion. So Won is eating lots of beans and growing up healthy on Jeju,” caption ng aktor sa Instagram sa reunion picture nila ng aktres na nagdadalaga na.

Sa mga social media pages ay makikita ang transpormasyon nito mula sa pagiging cute na bata hanggang sa maging marilag na teenager. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral atmnapapanood siya sa ilang television series gaya ng Cleaning Up, Tomorrow at Delivery Man.

At nitong nagdaang Hulyo2023, sampung taon mula nang nagkasama ang “mag-ama” sa Miracle movie, makikitang dalagang-dalaga na si Kal Sowon at magde-debut na sa August 14, 2024.

Image capture via K-Drama Nerd / YouTube

For life stories that make the world stop and make the world go, visit Traffic Digest‘s Stories Section.   

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *