Mon. May 13th, 2024

Ano nga ba ang sikreto ng celebrity couple na sina Gladys Reyes at Christopher Roxas sa matagal nilang pagsasama? Una, bilang magkasintahan for 11 years, at pangalawa, bilang mag-asawa sa loob ng 19 years naman — na kung susumahin ay tatlumpung taon o tatlong dekada na.

Ayon kay Gladys sa recent episode ng ‘Updated with Nelson Canlas‘ nitong Disyembre 2, 46 anyos na siya at ang 30 years ay mahigit sa kalahati ng buhay niya.

Sa palitan nila ng kuwentuhan ni Nelson, nasabi ni Gladys na wala namang sikreto talaga dahil wala namang handbook o formula sa pagsasama dahil case to case basis din ang relasyon. Ngunit kung susuriin daw, may tatlong basic na sangkap na nagdo-dominate sa kanilang relasyon.

Una raw ay ang prayers. “Ang faith is a big big factor,” aniya. “Iba yung may takot. May takot ka na masira ‘yung family, na masira yung relationship. Kasabay nun yung respect n’yo to each other.”

Binanggit din niya na kailangan ng tons of patience dahil darating ‘yung panahon na maiinis ka talaga to the point na parang pa give up na. Hindi umano dapat option ang hiwalayan. Never.

Partnership naman ang isinunod niyang sangkap. Ang pag-ibig daw ay parang negosyo rin. Partners kayo kaya dapat ay pinag-uusapan ang relasyon.

Tungkol sa infidelity ay may mga bitaw rin si Gladys. Kaya niya umanong itolerate ang pagbabarkada ng asawa ngunit ang infidelity ay hindi. “Yun talaga ang hindi ko kayang ma-tolerate…. kasi parang kawalan ng respeto sa pagkababae ko … kapag ginawa niya yun.”

Nabanggit din niya na mahirap isipin yung eleven years nila. “Imagine, tagal naming mag-boyfriend, Parang… mai-imagine mo ba sa iyo na paggising mo isang umaga after 11 years, ‘uy, wala na, hindi na pala kami? So halimbawa, kung may ibang darating, di ba parang hindi ka na rin sanay. Duh! Hindi lang din yung nasanay ka lang. Dapat din nandoon lagi yung fire, hindi dapat nawawala.”

Bumalik siya sa kahalagahan ng faith and prayers na hindi dapat nawawala sa isang relasyon. “From the very start, di ba, hangga’t maaari, na kontrolado n’yo pa yung sitwasyon, di ba? Wala namang imposible sa prayers.” Nagpapasalamat siya na halos lahat ng prayers daw niya ay ibinigay ng Panginoon.

Sa isang segment ng game show na Bawal Judgmental sa Eat Bulaga ay nailahad din niya na dapat may respeto pa rin sa privacy, “Respect each other’s privacy, isa rin ‘yan. Kasi trust ‘yon, e. Katulad ngayon. Until now, hindi kami ‘yong, ‘O patingin ng cellphone mo.’ Hindi. Kasi iniisip ko, kung halimbawang may ginagawa naman ‘yong isa, siya naman ang magdadala no’n, e.”

Dagdag naman ni Christopher, “Sa tama at sa totoo ka lang. Alam mo na ‘yong boundaries mo.”

Pagpapatuloy ng butihing asawa at ina, “It wasn’t easy, but our faith made us stronger, holding on to what we have that is beautiful and rare.”

Nagsimula ang relasyon ng dalawa noong mga teenager pa lang sila, matapos magkakilala sa hit 1990s series na Mara Clara, na umera simula 1992 hanggang 1997. Tumagal ng mahigit isang dekada ang kanilang relasyon bilang boyfriend-girlfriend, hanggang sa magpakasal sila noong 2004 at nagkaroon ng apat na anak.

Sa ika-30 na anibersaryo nila, insipirasyon ang hatid ng dalawa sa mga taong nawawalan na ng pag-asa sa pag-ibig na masasabing mong pang #forever.

Samantala, panoorin ang episode na ito ng Updated with Nelson Canlas:

For the local entertainment stories that make the world stop and make the world go, visit Traffic Digest‘s Pinoy Showbiz Section.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *