“Bakit ang dali lang sa iyong isuko ang lahat?” tanong mo sa akin bago tayo tuluyang maghiwalay ng landas.
Hindi ako nakasagot. Ayaw ko nang pahabain ang usapan. Ayaw ko nang makarinig pa ng kahit anong salita. Ayaw ko na rin magpaliwanag pa.
Nadudurog na ako sa pananatili mo pa lang sa aking harapan pagkatapos mong magpaalam. Tinanong kita, umasa akong ikaw naman ang lalaban dahil wala na akong lakas sa digmaang ako lamang mag-isa ang sumasalo ng mga bala. Ngunit katulad ng dati, wala kang sinabi, wala kang ginawa. At nagawa mo pang magtanong kung bakit ako bumitaw.
“Bakit ang dali lang sa iyong isuko ang lahat?”
Sana nga naging madali ang lahat.
Sana hindi kita tinanaw noong umalis ka.
Sana hindi kita hinabol ng tingin hanggang sa tuluyan ka nang nawala.
Sana hindi gumuho ang daigdig sa ilalim ng aking kinatatayuan.
Sana hindi ako lumuha nang nag-iisa.
Sana hindi ako patuloy na umiiyak.
“Bakit ang dali lang sa iyong isuko ang lahat?”
Alam ng langit kung gaano kita inilaban noon—at alam din nito kung gaano ako lumalaban sa mga alaala ngayon.
Kung talagang naging madali lang sa akin na isuko ka, bakit ikaw pa rin ang hinahanap sa pagmulat at pagpikit ng aking mga mata?
© Minsan Okay Lang Ma-traffic | 2023
For literary pieces that make the world stop and make the world go, visit Traffic Digest‘s Literary Section.