Sun. May 12th, 2024

Nag-trending na naman si Boss Toyo ng “Pinoy Pawnstars”.

Sinadya kasi ng dating child star na si Jiro Manio si Boss Toyo  sa memorabilia store nito para ipagbili ang tropeo na nakamit niya sa Gawad Urian nang magwagi siya bilang “Best Actor” (hindi best child actor gaya ng inaakala ng iba) dahil sa matinding pagganap niya sa pelikulang “Magnifico” noong taong 2004 nang siya ay dose anyos pa lamang. 31 na si Jiro ngayon.

Sa palitan nila ng kuwento, ibinahagi ni Jiro na bagamat hindi na ito aktibo sa pag-aartista ay nagtatrabaho naman siya bilang volunteer sa isang departamento ng pamahalaan at nagbibigay ng lectures. Nabanggit din ang pag-guest niya sa YouTube channel ni Julius Babao tatlong buwan na ang nakalilipas.

Kuwento ng dating aktor, kinakailangan umano niyang kumayod para sa kaniyang pamilya kaya naisipan niyang ipagbii ang kanyang ‘Best Actor’ na tropeo kay Boss Toyo. Nabanggit din niya na marami pang ibang tropeo sa bahay ngunit pinili niya itong sa pelikulang ‘Magnifico’.

Napag-usapan din nila ang iba pang naging proyekto ni Jiro sa industriya.

 Sa bandang dulo ng video ay binanggit din nito na nais din niyang mapabilang ang kanyang tropeo sa museum na planong ipatayo ni Boss Toyo.

Nang pag-ususapan na ang presyuhan, ang unang halaga na sinabi ni Jiro ay ₱500k.

Hindi naman nakumbinsi si Boss Toyo sa halagang iyun.  Kung siya lang daw ang masusunod, ibibigay niya ang presyong nais ni Jiro ngunit pagdating sa negosyo, pahiwatig nito na kailangan daw niyang maging praktikal.

₱50k ang unang alok ni Boss Toyo, subalit nababaan  dito si Jiro kaya itinaas niya sa  ₱100k. Nagtawaran pa sila hanggang sa bumagsak na sa presyong P75K bilang huling tawad ni Boss Toyo; last price na raw ito.

Sa comments section ng video ay bumuhos naman ang pagkilala ng netizens kay Jiro bilang isang mahusay na actor na nagsimula sa edad na anim na taon.

Marami rin ang nagpahayag ng panghihinayang sa sinapit ni Jiro, na napabalitang nalulong sa masamang bisyo noon at tinulungan pa nga ng komedyanteng si Ai Ai Delas Alas upang makakawala ito sa kinasadlakan. Nagkasama sila sa pelikulang “Tanging Ina”.

Kapansin-pansin din na maraming bumanggit sa aktor na si Coco Martin ng ‘FPJ’s Batang Quiapo’– na sana’y mabigyan nito ng pagkakataon si Jiro na magkaroon ng trabaho sa nasabing teleserye.

Kilala kasi si Coco bilang matulungin lalo na sa mga nawalan ng trabaho na dating taga-industriya nila.

“Sana Kunin ka ni Mr.Coco Martin, mabigyan ka uli ng break ulit . Napakagaling mong actor alam namen na kaya mo uli bumalik sa pag artista. Malaki na nabago sa sarili mo ngayon tuloy tuloy mo lang idol at lagi ka magdasal .”

“Sana naman bigyan ng chance to makabalik sobrang husay na aktor baka naman Sir Coco Martin. God bless you Sir Jiro”

“Paging Mr. Coco Martin baka puwede naman maisama si Jiro sa Batang Quiapo?”

“Humingi ka ng tulong kay Coco, for sure tutulungan ka no’n.”

Samantala, narito ang kanilang video ni Boss Toyo via YouTube:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *