Dumating siya sa pinakamalungkot na sandali. Dumidilim na at nagpapaalam ang araw nang walang isinasaboy na matitingkad na pulang liwanag. Walang mga silahis at bakas na lilikha ng magandang obra sa kalangitan.
Gumagabi na noon at isa lamang ang mensahe ng mga maiitim na ulap: paalam. Nagpapaalam ang maghapon para magbigay muli ng daan sa mas malulungkot na oras, sa madilim at malamig na magdamag. Walang magandang dapat asahan.
Ngunit dumating siya, dala ang lahat ng liwanag at pag-asa. May biyaya palang hatid ang pamamaalam. Maganda rin pala ang langit sa gitna ng nagbabadyang kawalan.
Sa isang iglap, siya ay aking naging kalawakan; ang kalangitang naghehele sa akin sa tuwing ako ay iniiwan ng araw, buwan, at mga tala. Siya ang aking naging pahingahan, ang aking naging kanlungan.
Napagtanto ko na sa sandaling pagluha na lang ang pinakamasayang gawin at pagyakap sa kalungkutan na lamang ang makapagpapagaan ng damdamin, may darating na anghel at ililipad ka sa paraisong hindi ka na muling paluluhain.
© Minsan Okay Lang Ma-traffic | 2021