Tue. May 14th, 2024
Isang araw

Sa haba ng panahon ng pag-iisa, nakasanayan ko nang masabihan na, “Maghanap ka na.”

“Nauubos na ang oras.”

“Kailan mo pa ba balak?”

“Masyado ka yatang mapili.”

Marami pang iba. Maraming nagtatanong. Maraming nagtataka. Ang iba, kulang na lang ay gumawa na ng desisyon matapos lang ang aking pag-iisa.

Ngunit kumapit ako sa aking paniniwala: huwag kang hihinto hanggang hindi ka pa nakararating sa tahanan. Ipinagpatuloy ko ang paglalakbay. Paminsan-minsan ay humihinto ngunit umaalis din kapag nakita kong nasa maling lugar pa. Nag-iingat sa mga pulang bandila, ayaw kong lalo pang tumagal ang pagkaantala. Buong buhay na akong naglalakbay marating lamang ang matatawag kong kanlungan.

Isang araw, tiyak kong magkakaroon ng saysay ang lahat ng pagkapagal.

Isang araw, ipagpapasalamat ko ang hindi pagsuko sa kabila ng ilang ulit na pagkadapa.

Isang araw, mauunawaan nila kung bakit paulit-ulit kong pinipiling mag-isa dahil nananalig at naniniwala ako na darating ka.

Isang araw, matatagpuan din kita—may oras at lugar nang itinakda noon pa man si Bathala.

Isang araw, madarama ko rin ang tuwa at kalma na mararamdaman lamang sa tahanan.

At dumating nga ang araw na iyon. Natagpuan kita sa gitna ng mga tanong, ng pagkapagod, ng pagkalito. Alam ko na agad na ikaw na iyon. Madali lamang palang humakbang—at tumakbo—kapag natanaw mo na ang pinto. May kaba ngunit hindi hihinto. May takot ngunit hindi ka magpapatalo.

Malayo-layo pa ay alam ko na agad na nakauwi na ako. Mabilis ang pintig ng puso pero iba na ang ritmo nito. Hindi na ako hinayaang mag-isip. Isinugal ko na gamit lamang ang damdamin at sinabayan ang bawat hakbang ng panalangin.

“Malalaman ko kapag siya na,” ito ang lagi kong sinasabi sa kanila.

Pero ngayon ko lang nakita na totoo pala talaga—mararamdaman mo kapag nakauwi ka na.

© Minsan Okay Lang Ma-traffic

By Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic, Muli, Minsan Okay Lang Ma-traffic, and 12.31.23; the books that were published following the success of her literary Facebook blog, Minsan Okay Lang Ma-traffic. A journalist for over a decade now, she worked as a news reporter for Manila Bulletin from 2014 to 2018, covered entertainment and social news beats as a senior writer at Definitely Filipino since 2015, and co-owns Traffic Digest and Reels. People. Words. news sites since 2022. Aside from her journey as a news and literary writer, she has also been a speaker and a judge for campus journalism workshops and competitions, and a senior content strategist at The SVEN Group.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *