Tue. May 14th, 2024
Patawad

Sa loob ng salitang “patawad”, naroon ang “awa”.

Nang sabihin mo sa akin ang salitang “patawad”, kitang-kita ko sa iyong mga mata ang napaloloob na awa.

Naaawa ka, alam ko, dahil unti-unting umikli ang mga mensahe mo sa akin sa umaga at sa gabi sapagkat wala ka nang masabing galing sa puso at diwa, pagkat naubos na ang mga kataga sa mensahe mo para sa kanya. Naaawa ka dahil ilang taon kang naging mundo ko at alam mong hindi ko alam kung saang bahagi ng uniberso ako magsisimula para mabuhay sa labas ng iyong anino. Naaawa ka dahil alam mong mawawasak ako kapag nawala ka. Naaawa ka dahil naging marupok ka habang ako ay nanatiling matibay. Naaawa ka dahil sa pag-iibigan ay palaging may isa na mas nagmamahal—at ako iyon sa ating dalawa. Naaawa ka dahil kahit pilitin ay hindi mo na kayang suklian ni katiting na pagtingin ang aking ibinibigay.

Noong sabihin mo sa akin ang salitang “patawad”, paulit-ulit ka nagmakaawa.

Nagmakaawa ka na patawarin kita. Nagmakaawa ka na huwag kong isiping lahat ng lalaki ay katulad mo. Nagmakaawa ka na umusad ako pagkatapos ng lahat. Nagmakaawa ka na ipagpatuloy ko ang buhay ko dahil hindi ka karapat-dapat maging dahilan ng paghinto nito.

Noon, akala ko ay hindi ko kailangang magpatawad. Sa sobrang sakit, gusto ko na lang magalit nang magalit. Sa sobrang sakit, gusto lang kitang isumpa nang paulit-ulit. Hindi ko alam kung bakit may mga taong nais marinig ito para tuluyang maisara ang isang kabanata. Hindi ko alam kung bakit naimbento ang salitang “patawad”.

Ngunit bigla na lamang dumating ang araw na naunaawan ko ang kahalagahan ng pagpapatawad.

patawad

Sa loob ng salitang “patawad”, natagpuan ko nang paulit-ulit ang “awa”. Naawa ako sa sarili ko. Naawa ako dahil nananatili pa rin akong takot; sa mundo, sa tao, sa pagbabago. Naawa ako dahil sinisisi ko sa sarili ang lahat; kahit ang totoo ay hindi palaging may pagkukulang ang kapareha kaya pinipiling magkulang ng isa. Naawa ako sa sarili ko dahil nakalimutan ko nang mahalin ito. Naawa ako sa sarili ko kaya pinatawad kita.

Pinatawad kita dahil kinailangan kong patawarin ang sarili ko.

At kasabay ng pagpapatawad sa sarili ko, nakapagsimula muli ako.

© Minsan Okay Lang Ma-traffic | 2018

By Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic, Muli, Minsan Okay Lang Ma-traffic, and 12.31.23; the books that were published following the success of her literary Facebook blog, Minsan Okay Lang Ma-traffic. A journalist for over a decade now, she worked as a news reporter for Manila Bulletin from 2014 to 2018, covered entertainment and social news beats as a senior writer at Definitely Filipino since 2015, and co-owns Traffic Digest and Reels. People. Words. news sites since 2022. Aside from her journey as a news and literary writer, she has also been a speaker and a judge for campus journalism workshops and competitions, and a senior content strategist at The SVEN Group.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *