Sat. May 11th, 2024
Hindi lang ikaw

Hindi lang ikaw ang napagod.

Hindi lang ikaw ang naglaan ng oras. Ibinigay ko rin lahat ng sandaling puwede at kaya kong ipagkaloob sa iyo. Ikaw ang simula ng bawat araw. Ikaw ang mga saglit kong paghinto sa maghapon. Ikaw ang hangganan ng bawat gabi. Ikaw ang ipinagdarasal kong magisnan sa panibagong araw.

Hindi lang ikaw ang sumugal. Sumubok din ako kahit pa alam kong maaari akong matalo. Hindi ko pinansin ang katotohanang hindi ko na makakaya ang isa pa muling kabiguan sa pagmamahal. Hinayaan ko ang sarili ko na ibigin ka—kung paano ako kapag nawala ka, hindi ko na inisip pa.

Hindi lang ikaw ang lumaban. Naging mahirap ka rin pakisamahan. Nakababalisa ang mga pagbabago. Natakot ako sa ikaw na hindi ko pa yata nakatatagpo. Hindi na kita kilala nitong mga nakaraan. Hindi ko alam kung mababalik pa ang ikaw na una kong inibig at pinangarap.

Hindi lang ikaw ang nawalan. Nandito ka pa noon pero parang wala ka na. Mag-isa akong nalungkot. Mag-isa akong umiyak. Mag-isa akong nagdasal na sana ay may pag-asa pa. Mag-isa kong hinangad ang iyong mga kamay para hilahin ako pataas noong mahuhulog na ako mula sa kinakapitan. Mag-isa akong nabigo—wala ka na pala talaga para samahan ako.

Hindi lang ikaw ang natalo. Matagal na akong talo rito. Hindi ko alam kung bakit kinailangan pang manggaling sa iyo ang huling hatol. Pormalidad siguro? Ngunit matagal na akong bigo. Matagal ko nang alam na magwawakas na ito.

Hindi lang ikaw ang napagod. Kinailangan ko rin huminga. Kinailangan ko ring magpahinga. Pero kailanman ay hindi sumagi sa isip ko na isuko ka.

Hindi lang ikaw ang napagod noon—pagod na pagod na pagod na ako sa iyo. Hindi lang talaga ako napagod mahalin ka hanggang sa dulo.

Hanggang ngayon, kahit narating na natin ang dulo.

© Minsan Okay Lang Ma-traffic | 2023

For more ka-Traffic-inspired stories that make the world stop and make the world go, visit Traffic Digest‘s Traffic Jam Section.

By Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic, Muli, Minsan Okay Lang Ma-traffic, and 12.31.23; the books that were published following the success of her literary Facebook blog, Minsan Okay Lang Ma-traffic. A journalist for over a decade now, she worked as a news reporter for Manila Bulletin from 2014 to 2018, covered entertainment and social news beats as a senior writer at Definitely Filipino since 2015, and co-owns Traffic Digest and Reels. People. Words. news sites since 2022. Aside from her journey as a news and literary writer, she has also been a speaker and a judge for campus journalism workshops and competitions, and a senior content strategist at The SVEN Group.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *