Ka-Traffic Asks: Paano ba mag-umpisa kung ‘di mo kayang tapusin?
Charina Says: Kung sa tingin mo ay ginawa mo na ang lahat pero wala pa rin e baka nga kailangan mo nang tapusin. Mahirap pero kailangan mong kayanin.
Mamili ka, hirap na dala ng pag-usad at paghahanap ng panibagong pananatilihan o hirap na dala ng pagkaantala sa isang lugar na hindi mo na maituturing na tahanan?
Kapag pinilit mong umusad, mahihirapan ka pero kasabay nito ang pagsisimula ng isang panibagong paglalakbay—at bawat simula ay may dalang mga posibilidad.
Kapag pinili mong manatili, mananatili rin ang lahat ng sakit; ang lungkot, ang hirap, ang lahat ng mga bagay na inaayawan mo ngayon. Pinili mong huwag iwanan ang mga iyan, e.
Parehong mahirap ang umusad at manatili. Kailangan mo lamang mamili kung alin sa dalawang iyan ang mas karapat-dapat sa pagyakap mo sa lahat ng hirap at sakit.