Pumapatak na naman ang iyong mga luha. Pagod ka na—hindi mo na alam kung paano magpapatuloy, hindi mo rin alam kung paano magtatapos at paano magsisimula.
Pagod ka nang umiyak. Pagod ka nang masaktan. Pagod ka nang maniwala sa mga kasinungalingan. Pagod ka nang umasa na may pag-asa pa. Pagod ka nang mabigo. Pagod ka na rin mapatunayang hindi na bubuti ang situwasyon mo.
Habang tumatagal, lalong sumasakit.
Habang tumatagal, lalong pumapait.
Habang tumatagal, lalong humihirap makaalis sa pagkapiit.
Sabi nila, bakit mo hinayaang tumagal nang ganiyan? Kung napatawad mo noong una, mauunawaan nila. Ngunit ang pangalawa, pangatlo, at walang pagpapatawad, paano mo maipaliliwanag?
Hindi ka nila maiiintindihan. Ang totoo, hindi mo na rin maunawaan.
Tagal ng pagsasama ba? Hindi mo naman alam kung kailan ba siya naging tapat o kung kahit minsan ba ay naging tapat talaga siya.
Pangako ng walang hanggan? Masakit dahil alam mong ikaw na lang ang may gustong matupad iyan.
Lalim ng pagmamahal? Naniniwala ka na kayang baguhin ng pagmamahal ang tao—kahit paulit-ulit ka lang niyang binibigo. Wala ka pa rin planong sumuko. Ang nagmamahal, hindi sumusuko, sabi mo.
Hindi mo na maintindihan ang sarili mo. Sa bawat araw na sumosobra ang pagmamahal mo sa kanya, nababawasan ang para sa sarili mo. Siya ang pinakamahalaga sa buhay mo. Hindi mo alam kung paano ka kapag wala ang lahat ng ito.
Ngunit gusto ko lang na malaman mo, kahit siya pa rin ang “comfort zone” mo sa kabila ng lahat ng lungkot at kirot, hindi ka habambuhay magiging bilanggo.
Hindi pa dead end.
Nahinto lamang ang biyahe mo, naantala sa gitna ng napakahabang kalsada, pero hindi nangangahulugan ito na hindi na magiging berde muli ang pulang ilaw-trapiko.
Ikaw ang mag-uutos sa ilaw-trapiko na iyan kung kailan ka magpapatuloy at magsisimula muling maglakbay para sa mga himala at biyaya ng buhay na naghihintay sa unahan.
Ikaw ang magdedesisyon kung uusad ka o mananatili sa iyong kinaroroonan.
Ikaw ang magdidikta ng iyong kapalaran.
Ikaw ang mayroong kapangyarihan sa iyong paglaya.
Sana, piliin mo kung saan ka sasaya—iyong totoong saya. Hindi ang saya na may tinatagong lungkot at pagkabahala sa likod ng mga nakangiti mong mata sa tuwing kasama siya.
© Minsan Okay Lang Ma-traffic | 2023
For more ka-Traffic-inspired stories that make the world stop and make the world go, visit Traffic Digest‘s Traffic Jam Section.