Sun. May 12th, 2024
cheatImage via Pexels

Ka-TrafficAsks: Why do people cheat? Sometimes, I just wanna ask myself, “Ako ba talaga problema?” Bakit paulit-ulit iyong sitwasyon na naloloko ako? Seryoso naman ako. I want to give the love that I have pero bakit ganoon lagi iyong sinusukli?

Charina Says: Iba’t iba ang dahilan kaya nanloloko ang isang karelasyon.

#1 May mga tao talagang naglalaro lamang; pumapasok sa relasyon kahit hindi sila seryoso at walang balak magseryoso, parang pumapasok sa amusement park na ang pakay ay hindi lamang sumakay ng Ferris Wheel kung hindi subukan lahat ng rides hanggang kaya ng oras at lakas.

#2 May mga taong seryoso talaga noong una; ikaw ang gusto, ikaw lang at walang iba. May mga taong pumapasok lang sa isang restawran dahil sa isang putahe na gustung-gusto niya; bibilhin niya ito, nanamnamin. Kaya lang, biglang mapupukaw ang atensyon niya ng iba. Dahil hindi pa siya busog at may oras pa, bibilhin niya ito; tapos man o hindi ang kinakain niya.

#3 May mga taong nagkakagusto sa iba kahit may karelasyon na pero hindi pa rin iniiwan ang partner dahil natatakot sumugal sa iba at maiwang mag-isa sa huli. Kung sa pagkain sa mesa sa isang cafe, may kinakain na siyang iba pero hindi pa rin niya pinaliligpit ang ‘di naubos na pagkain para siguradong may kakainin pa rin siya kung hindi niya magustuhan ang bago niyang inorder.

#4 May mga taong nagmamahal na ng iba habang kapiling pa rin ang karelasyon nila dahil ayaw nilang saktan ito. Oo, sa isip ng iba ay tamang hakbang ito. “What you don’t know won’t hurt you,” ‘ika nga. Pero siyempre, nabubuking sila, o sila mismo ang makokonsensya dahil napagtanto nila na mas mabuti pa rin ibigay ang masakit na katotohanan kaysa hayaan ang kapareha nila na maging masaya sa isang bagay na hindi totoo, o maaawa sila sa pangalawa, o mapapagod sa pagbabalanse sa dalawang karelasyon.

#5 May mga taong hindi marunong umintindi ng bawal; lumalaban kahit sa maling paraan at maling pagkakataon.

#6 Napagod nang maging tapat dahil paulit-ulit nang naloko. Bagamat mali, totoong nangyayari ito.

#7 Hindi na nakadarama ng pagpapahalaga, respeto, at pagmamahal na nakukuha dapat sa isang karelasyon. Mali pa rin, dahil puwede naman makipaghiwalay na lang, pero nangyayari talaga.

Ilan lamang ang mga ito sa mga dahilan. At ang dahilan ng kanyang pagloloko, iyong gumawa lamang ang nakaaalam.

Pero kung tatanungin mo ako kung ikaw ba ang may problema, hindi ko masasagot iyan. Ikaw sa sarili mo, ikaw lamang ang makaaalam ng tugon.

Bagama’t walang kapatawaran at walang tamang dahilan para manloko at tiyak na may balik ito, makatutulong din na itanong mo sa sarili mo, “May mga pagkakamali ba ako o sadyang palagi lang ako natatapat sa maling tao?”

Kapag na-realize mo na may pagkukulang ka rin, baguhin mo ang mga napansin mong mali.

Kapag napagtanto mo na palaging maling tao ang natatagpuan mo, hanapin mo ang aral na dala ng bawat taong nanakit sa iyo at maging tamang tao ka para sa pag-ibig na karapat-dapat sa isang katulad mo.

Sa huli, pinakamahalaga pa rin ang katotohanang hindi ikaw ang gumawa ng mali, hindi ikaw ang gumawa ng bawal kaya nakasakit.

At uulitin kong ibilin, ilang ulit ka mang mawalan ng tiwala sa tao, huwag na huwag kang mawawalan ng tiwala sa pag-ibig na totoo.

Isang araw, matatagpuan mo ang tunay na pag-ibig.

Makatutulog ka rin nang mahimbing dahil iyong batid na matutulog ka at gigising na minamahal pa rin.

By Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic, Muli, Minsan Okay Lang Ma-traffic, and 12.31.23; the books that were published following the success of her literary Facebook blog, Minsan Okay Lang Ma-traffic. A journalist for over a decade now, she worked as a news reporter for Manila Bulletin from 2014 to 2018, covered entertainment and social news beats as a senior writer at Definitely Filipino since 2015, and co-owns Traffic Digest and Reels. People. Words. news sites since 2022. Aside from her journey as a news and literary writer, she has also been a speaker and a judge for campus journalism workshops and competitions, and a senior content strategist at The SVEN Group.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *