Nawawala ako.
Wala ako saanmang sulok ng bahay; wala rin sa hardin na minsan nating pinuno ng saya.
Nawawala ako.
Wala ako sa tabi mo. Isang bakanteng espasyo ang dinatnan mo nang ikaw ay umuwi; wala nang nakaupo sa mismong lugar kung saan ako palaging naghihintay sa iyo kahit minsan hindi na makatarungan ang haba ng panahong ng iyong pagkawala, kahit madalas ay kulang ang iyong ibinibigay.
Nawawala ako.
Nawawalan din pala ng tamis ang mga alaala. Kapag pala ang sakit ay naging bahagi na ng sistema, nawawala ang tamis ng mga alaala.
Ng mga alaala.
Alaala—sa una ay kakapit ka sa taong kasama mong gumawa ng mga ito pero sa kalaunan ay kakapit ka na sa sarili mo.
Sa huli, mapagtatanto mong mas napamahal ka na pala sa mga alaala kaysa sa kanya. Matagal ka na palang sumuko sa inyong dalawa. Matagal na palang wala ang pagmamahal. Nanghihinayang ka na lang pala sa nakaraan.
At handa ka nang tumawid sa kasalukuyan.
© Minsan Okay Lang Ma-traffic | 2020