Takot ako sa matataas na lugar. Minsan ko na kasing naranasang sumakay ng tsubibo na biglang huminto noong ako iyong nasa tuktok. Nakakatakot, habang tanaw ko ang malaking bahagi ng lungsod ay waring nakikita ko na rin ang maaaring mangyari kung aksidente akong mahuhulog.
Simula noong nakababa ako pagkatapos ng kalahating oras na pagkukumpuni nito, hindi ko na binalak pang sumakay muli. At lahat ng matataas na lugar ay kinatakutan ko na.
Ganito rin sa pag-ibig. Ilang beses na akong pinabayaang mag-isa sa tuktok, naiwan sa ere, at nahulog nang wala man lang sumalo.
Sa kalaunan, ang pangamba ko na muling umibig ay naging katulad ng takot ko sa matataas na lugar: mas mataas, mas maaari mong ikamatay. Mas pinasaya ka, mas masakit kapag nawala.
Ngunit dumating ka.
Sa kabila ng lahat ng atras-abante, ng urong-sulong, at paulit-ulit kong pagtanggi sa ninais ng aking puso, narito ako ngayon at nakasakay muli sa tsubibo.
Nakakalula.
Nakakatakot.
Pero sa piling mo, handa akong kalimutan lahat ng pangambang naging bahagi ko na.
Narito pa rin ang takot, hindi ko ikakaila.
Ngunit mas takot na akong ikaw ay mawala; mawala nang hindi ko man lang naaabot ang kalawakan kasama ka.
Nakakalula, oo.
Nakakatakot, sobra.
Subalit sa gitna ng lahat ng ito, umaasa akong may dahilan ang mga pagkakataong nakababa ako nang nag-iisa mula sa tuktok; ang mga sandaling nakaligtas ako sa kabila ng pagkahulog.
Umaasa akong may dahilan kung bakit buhay pa ako.
Umaasa akong may dahilan kung bakit tumitibok pa rin ang pusong ito.
Umaasa akong ikaw “dahilan” ng lahat ng ito.
© Minsan Okay Lang Ma-traffic | 2020