Sun. May 12th, 2024
My Bakit ListImage via My Bakit List

Hindi ‘to spoiler ng My Bakit List kung ‘di parang trailer na ipinamalas sa porma ng mga hugot–maaaring totoong nasa pelikula at maaari rin simbolismo lamang–at malalaman lamang ninyo kung bakit ko naisip ang bawat isa kung panonoorin ninyo ang pelikula.

My Bakit List‘s synopsis: Bombarded with so much why’s in her life, Dess embarks on a soul searching journey. Unknown to her, she is about to face the biggest why of her life when she accidentally bumps into Ejay, her ex-boyfriend who left her without any explanation. Will this open a new chapter in their foiled relationship or will this just be a prelude to a second heartbreak? Will this answer all the why’s in her life or will it just create more questions in her mind? (Starring: Louise delos Reyes, Ivan Padilla, and Prince Stefan)

#1 Nakamamangha kung paano ka nasasamahan ng kalikasan sa panahong iniwan ka na ng buong mundo.

#2 Mawalan na raw ng jowa huwag lang pagkain. Hahaha! Pero seryoso, kung ano ang pupuno kahit papaano sa kakulangan, kuhanin mo iyon at ilagay sa espasyo na iyan. Hindi masamang tulungan ang iyong sarili sa panahong kailangan ka nito.

#3 Bigyan ng “Bestie of the Decade” award si Prince. Lahat talaga tayo kailangan ng kahit isang tao na mamahalin tayo at hindi pa rin huhusgahan kahit gaano pa tayo maging hibang at miserable; kahit pa gaano tayo kahirap mahalin.

#4 Gusto kong yakapin ‘yong character ni Prince. Paano kang hindi masasaktan kung binigo ka ng taong nakita mo bilang mukha ng pag-asa?

#5 Handa akong samahan ka sa biyaheng ito—pero kasama ba natin ang puso at kaluluwa mo? May maitutulong nga ba talaga itong biyaheng ito sa iyo o wala itong halaga dahil naiwan ang lahat sa iyo sa lugar kung saan natapos ang lahat sa inyo?

#6 Kung sana ay ganap na malulunasan ng magagandang lugar ang sugat sa puso.

#7 Gusto kong sabihin sa character ni Louise na, “Uy, okay lang ‘yan.” Pero paano ko gagawin iyon kung pati ako hindi na okay dahil sobrang nadala na ako sa kanya? Haha!

#8 Ang pag-ibig ay isang sugal, oo. Ngunit hanggang kailan ba dapat pumusta sa pag-ibig? Paano mo malalaman na dapat ka nang umuwi dahil lugi ka na at mahirap nang makabawi?

#9 Minsan, doon mo natatagpuan ang mga alaala sa lugar na pinuntahan mo upang takasan ang mga ito.

#10 Baka ibinigay na ng kalawakan ang sagot sa mga “bakit” mo? Baka ayaw mo lang tanggapin kaya hanggang ngayon ay nagtatanong ka pa rin?

#11 Kasing linaw ng repleksyon ng mga ulap sa tubig ang katotohanan—pero mas pinipili mong tumingin sa malayo at isipin kung gaano kalayo muli ang lalakbayin mo habang hinahanap ang makapagbibigay ng kapanatagan sa iyo.

#12 Hindi kataksilan ang tugon sa mga bagay na hindi niya maibigay sa iyo. At lalong hindi kataksilan ang magiging rason para maibalik siya sa buhay mo. Kailanman ay hindi naging tama ang kataksilan—at kailanman ay hindi ito magiging lunas sa sakit na nararamdaman.

#13 May mga talo sa karera pero panalo sa pamilya. May mga sawi sa pag-ibig pero natutulog nang may ngiti sa mga labi. Gusto ko lang ipaalala sa iyo na mabuti pa rin ang uniberso—at marunong itong bumawi.

#14 Nagtataka ka kung bakit hindi siya napapagod sa dami ng ginagawa—hanggang sa maisip mo na ang mga gawaing ito mismo ang nagpapalakas sa kanya. Lahat ng ito ay may dalang pag-asa. Lahat ito ay maaaring maging dahilan para hindi pa mahuli ang lahat para sa kanya.

#15 May mga taong nagmamahal pa rin kahit alam nila na darating ang panahon at iiwan din sila ng iniibig nila. Kumbaga, masaya nang minsan sa buhay ng taong ito ay sila ang naging kanlungan nito. (Easy, hindi ko kayo ini-spoil. Hehe. Realization ito roon sa isa sa mga maliliit na istoryang nakapaloob dito.)

#16 Isa sa pinakamagagandang mukha ng pag-ibig: iyong tao na kayang sabihin na “masaya ako na matupad niya ang pangarap niya kahit hindi na ako maging bahagi ng katuparang iyon.”

#17 Walang sigurado sa mundo—maging ang pagmamahal na inalagaan ninyo sa loob ng pitong taon.

#18 Ito na ba ang second chance kasama siya? O ito ang second chance mo kasama ang ikaw na nawala sa iyo?

(P.S. Salamat sa bloopers hahaha! Nabawi iyong sakit na naramdaman ko. Char.)

© Minsan Okay Lang Ma-traffic | 2019

By Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic, Muli, Minsan Okay Lang Ma-traffic, and 12.31.23; the books that were published following the success of her literary Facebook blog, Minsan Okay Lang Ma-traffic. A journalist for over a decade now, she worked as a news reporter for Manila Bulletin from 2014 to 2018, covered entertainment and social news beats as a senior writer at Definitely Filipino since 2015, and co-owns Traffic Digest and Reels. People. Words. news sites since 2022. Aside from her journey as a news and literary writer, she has also been a speaker and a judge for campus journalism workshops and competitions, and a senior content strategist at The SVEN Group.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *