Sat. May 11th, 2024
Modern Love Story MessengerImage via Pexels

Sabi ko noon, darating ang araw na hindi na tayo mag-uusap. Darating ang araw na unti-unting matatabunan ang “conversation” natin sa Messenger. Darating ang araw na hindi na ako maghihintay na umibabaw muli ito.

Sabi ko noon, darating ang araw na mawawala ka sa sistema ko, parang hindi kailanman nangyari ang mga naganap; parang panaginip na lamang ang mga pag-uusap sa abalang maghapon, ang mga kuwentuhan hanggang mag-umaga, ang mga pagmulat ng mata na ikaw ang unang nais kong makausap.

Sabi ko noon, darating ang araw na mahihirapan na akong mawari kung totoo ba o hindi ang pinagsamahan nating dalawa. Magtatanong na ako sa sarili kung totoo bang nagtagpo ang ating mga landas. Mapapaisip ako kung bahagi ba talaga tayo ng mga maliliit na kasaysayan sa mundo; kung tunay ba ang ating maikling kuwento.

Sabi ko noon, darating ang araw na mawawala ka rin tulad ng iba—pero sumubok pa rin ako. Paano kung hindi naman pala darating ang araw na iyo? Paano kung kailangan lang nating maging matapang? Paano kung kailangan lang nating sumugal?

Dumating na ang araw na iyon. Gusto kong malungkot sa pagkawala mo. Gusto kong magalit sa sarili ko dahil pumusta ako. Gusto kong manlumo sa paglaban sa isang digmaang alam kong hindi ko maipapanalo.

Pero paano mo ikalulungkot ang isang bagay na nagpasaya sa iyo nang husto? Paano ka magagalit sa sarili mo kung alam mong minsan kang binuo ng sugal na pinili mo? Paano ka manlulumo kung hanggang ngayon ay napapangiti ka pa rin ng mga alaalang binuo ninyo?

Dumating na ang araw na iyon, ang araw na kinatatakutan ko noon. Unti-unti nang natabunan ang lahat ng ating usapan, kuwentuhan, tawanan, at marami pang iba.

Salamat sa maikling sandali. Kung babalik sa panahon ay susugal akong muli.

Sa puso ko, parang kanina lamang nangyari ang lahat. Nararamdaman ko pa rin ang saya.

Pinasasaya mo pa rin ako, sinta.

Hanggang ngayon, kahit wala ka na.

© Minsan Okay Lang Ma-traffic | 2019

By Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic, Muli, Minsan Okay Lang Ma-traffic, and 12.31.23; the books that were published following the success of her literary Facebook blog, Minsan Okay Lang Ma-traffic. A journalist for over a decade now, she worked as a news reporter for Manila Bulletin from 2014 to 2018, covered entertainment and social news beats as a senior writer at Definitely Filipino since 2015, and co-owns Traffic Digest and Reels. People. Words. news sites since 2022. Aside from her journey as a news and literary writer, she has also been a speaker and a judge for campus journalism workshops and competitions, and a senior content strategist at The SVEN Group.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *