Sat. May 11th, 2024
buoImage via Pexels

Ilang oras na akong naghihintay na kumustahin mo. Nakailang pahina ako sa aklat na aking binabasa. Kung sino-sinong kakilala na ang napadaan sa kinauupuan ko rito sa paborito nating kainan; habang umaasa ako na dadaan ka at sasabihin mong kanina mo pa ako sinusubukang tawagan, nagbabaka-sakali na magbabaka-sakali kang narito ako at nagpapalipas lamang ng tampo ko sa iyo.

Pero mas malalim na lungkot lamang ang aking natagpuan. Napakatindi ng sikat ng araw pero paulit-ulit na sinasalanta ng bagyo ang puso ko. Naglaglagan na ang mga dahon ng punong pinatatag ng aking imahinasyon at pananalig na darating ang panahon at mamahalin mo rin ako sa paraang pinapangarap ko. Katulad ng mga dahong ito, isa-isa na rin nahuhulog ang mga piraso ng pag-asang ikinabit ko sa sarili ko.

Mukhang ito na ang tatapos sa paghihintay ko sa iyo—hindi sa lugar na ito, kung hindi sa loob ng silid na ibinigay mo sa akin sa puso mo. Sawa na ako sa maliit na kuwartong ito; hindi na ako makakilos, hindi makahinga, hindi rin makasigaw nang may sapat na lakas para marinig mo ako mula sa labas nito.

Bakit nga ba naghihintay pa rin ako? Bakit kahit sa akin ka na ay pinapangarap pa rin kita? Bakit binibigyan pa rin kita ng panahong mag-isip? Bakit binibigyan pa rin kita ng oras na masanay sa aking mga bisig? Bakit parang may kumpetisyon pa rin sa pagitan naming dalawa? Bakit parang hindi ka kailanman naging akin?

Sinusubukan ko namang maintindihan. Marahil ay napakahirap sa iyo ng lahat. Siya ang una mong minahal; unang pinangarap, unang pinili, unang ipinaglaban, unang naging inspirasyon, unang pinilit manatili, unang iniyakan, unang sinubukang mabawi, unang pinalaya nang mapagtantong hindi na ikaw ang kanyang iniibig.

Sabi ko sa sarili ko, napakahirap siguro para sa iyo na dalhin lahat ng bagahe sa loob ng ilang taon, habang siya ay nasa kabilang bahagi na ng daigdig at pinupuntahan ang bawat sulok nito kasama ang taong ipinalit niya sa iyo.

Sabi ko, napakahirap lang talaga sigurong isuko ang taong pinangarap mo nang makasama hanggang sa dulo.

Siguro? Hindi ba dapat “sigurado”?

Hindi ba kung mayroon mang makauunawa sa situwasyon mo ay ako dapat ito? Ako na nararamdaman ang lahat ng iyan dahil sa iyo?

Ikaw ang una kong minahal; unang pinangarap, unang pinili, unang ipinaglaban, unang naging inspirasyon, unang pinilit manatili, unang iniyakan. Sinusubukan pa rin kitang mabawi sa kanya, kahit pa matagal ka nang wala sa kanyang mga kamay at kung tutuusin ay sa akin ka naman na.

Pinipilit kitang intindihin pero talagang nakakapagod na.

At ngayon, habang pinanonood ko ang pagdaan ng mga tao at ang galaw ng nagmamadaling mundo, napagtanto ko na hindi pala ito ang buhay na nais ko.

Hindi pala ikaw ang taong nakilala at inibig ko.

Sa halip na maranasang magmahal at mahalin, puro kirot lamang ang aking natamo.

Sa halip na maging inspirasyon ka upang maglakbay, ikaw ang naging dahilan ng pinakamatinding trapiko sa buhay ko.

Napailing na lamang ako.

Sa dinami-rami ng tao, sa dinami-rami ng mga nagnanais pumasok sa ating mundo, bakit pinipili pa rin natin silang mga hindi tayo kailanman pinili nang buo?

Bakit nagkakasya tayo sa mga piraso, sa patak-patak, sa maninipis na hibla ng pag-ibig gayong napakalawak pa nitong daigdig?

Paano natin makikita ang biyayang dumarating kung palagi tayong sa isa lamang nakatingin? Sa isang taong malayo ang naaabot ng paningin ngunit tayong nasa malapit ay nilalampasan lamang ng tingin.

Sa isang saglit na ’tila panaginip, nakita kitang nakangiti sa akin. Paulit-ulit, sabi ko, sa tagpong ito tayo paulit-ulit na bumabalik. Masasaktan ako; hihingi ka ng tawad. Yayayain mo akong magsimula muli; agad naman akong papayag. Pagkatapos ay masasaktan lang ako muli dahil siya pa rin ang iyong hinahanap-hanap.

Tama na.

Huminga ako nang malalim. Hindi na ako kailanman ngingiti pabalik.

Hindi na tayo magsisimula ulit.

© Minsan Okay Lang Ma-traffic | 2020

For literary pieces that make the world stop and make the world go, visit Traffic Digest‘s Literary Section.

By Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic, Muli, Minsan Okay Lang Ma-traffic, and 12.31.23; the books that were published following the success of her literary Facebook blog, Minsan Okay Lang Ma-traffic. A journalist for over a decade now, she worked as a news reporter for Manila Bulletin from 2014 to 2018, covered entertainment and social news beats as a senior writer at Definitely Filipino since 2015, and co-owns Traffic Digest and Reels. People. Words. news sites since 2022. Aside from her journey as a news and literary writer, she has also been a speaker and a judge for campus journalism workshops and competitions, and a senior content strategist at The SVEN Group.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *