Sun. May 12th, 2024

Sa piling mo, ramdam kong may halaga ako; dama ko na kailangan ako, sigurado akong minamahal ako.

Sa piling mo, kalmado ang puso ko; may musika, may tula, may himbing ang bawat pagtulog, may saysay ang bawat paghinga.

Sa piling mo, bago ko pa man kailanganin ay nasa tabi ko na. Hindi ko man sabihin ay naririnig mo na. Hindi ko man hilingin ay ibinibigay mo na.

Pinagalaw mo ang buong uniberso nang naaayon sa ikasasaya ko. Naglilok ka ng mga bituin at ihinulma ang buwan sa kung paano ko ito gustong matanaw. Walang imposible, ginagawa mo ang lahat ayon sa pagmamahal.

Subalit paulit-ulit kitang pinalayo; pinaurong hanggang sa marating mo ang dulo. Kinailangan ko kasi ng napakaraming espasyo para sa taong gusto kong manatili sa aking mundo. Hindi ko inisip ang mararamdaman mo. Habang hinahayaan ko siyang maglabas-pasok sa buhay ko, hinahayaan ko naman ang sarili ko na itaboy ang isang katulad mo.

Kaya hindi kita masisisi sa tuluyan mong paglayo. Gumawa ka ng paraiso upang maging tahanan ko—subalit tinanggihan ko ito. Pinili ko pa rin doon sa piling niya; kahit magulo, kahit kumplikado, kahit pa batid kong hindi iyon ang nararapat na lugar ko.

Huli na nang mapagtanto ko ang kahalagahan mo; na natagpuan ko na pala ang kaligayahang kukumpleto sa pusong ito.

Masyado akong nasanay na hinahanap-hanap siya. Masyado akong nasanay na pinipili siya. Masyado akong naging sarado sa imahe ng pag-ibig na natagpuan ko sa piling niya. Nabulag ako sa katotohanang nasa aking harapan. Hindi ko man lang naramdaman na ikaw pala ang tunay kong pahingahan; ang pag-ibig na ipinagdasal ko at noon pa man ay akin nang pinapangarap.

Bakit buong buhay nating hinahanap ang isang taong mamahalin tayo nang totoo—at buo—para lamang lampasan siya ng tingin kapag kusa nang ihinain sa atin ng mundo?

Bakit saka ko lamang napagtanto ang puwang mo sa puso ko noong hindi na kita matagpuan saanmang lupalop ng daigdig na ito?

© Minsan Okay Lang Ma-traffic | 2020

For literary pieces that make the world stop and make the world go, visit Traffic Digest‘s Literary Section.

By Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic, Muli, Minsan Okay Lang Ma-traffic, and 12.31.23; the books that were published following the success of her literary Facebook blog, Minsan Okay Lang Ma-traffic. A journalist for over a decade now, she worked as a news reporter for Manila Bulletin from 2014 to 2018, covered entertainment and social news beats as a senior writer at Definitely Filipino since 2015, and co-owns Traffic Digest and Reels. People. Words. news sites since 2022. Aside from her journey as a news and literary writer, she has also been a speaker and a judge for campus journalism workshops and competitions, and a senior content strategist at The SVEN Group.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *