Kung bibigyan ako muli ng pagkakataong makasama ka, gagamitin ko ang bawat umaga para sabihing mahal kita. Hindi ka maguguluhan, hindi ka malilito, hindi ka manghuhula kung nasaan ang lugar mo sa buhay ko. Pagmulat pa lamang ng mga mata mo, kahit hindi ka pa gaanong nakababalik sa tunay na mundo, batid at tiyak mo na sa panaginip man o sa realidad ay ikaw at ikaw ang iniibig ko.
Kung bibigyan ako muli ng pagkakataong mahalin ka, maghapon kong ipadarama ang aking presensya. Hindi mo mararamdaman na may kulang. Hindi magkakaroon ng puwang sa pagdududa. Alam na alam mo na ikaw at ikaw lamang ang pipiliin ko kahit paulit-ulit akong tanungin ng mundo. Batid mong wala akong ibang gusto lakbayin ko man ang lawak ng uniberso.
Kung bibigyan ako muli ng pagkakataong mahalin mo, hindi mo na ulit mararamdaman lahat ng bagay na nakasakit sa iyo noon. Mas iisipin na kita kaysa sa sarili ko. Mas iisipin ko na iyong “tayo” kaysa sa “ako”, at ikagagalak ko sa bawat araw ng buhay ko na matawag mong “sa iyo”. Hindi ko na sasayangin pa ang pag-ibig mo.
Ngunit huli na ang lahat para sa mga “kung”. Tuwing gabi, kapag humihimlay ang daigdig, hinahanap ko ang kaisa-isang taong nagmahal sa akin nang lubos. Sa haba ng magdamag, paulit-ulit kong natatagpuan ang imahe mo sa kisame ko—nakangiti, masaya, malaya. At saka ko napagtatanto na iba na ang dahilan ng lahat.
Hindi na ako muling magiging sapat.
Nahanap mo na ang pagmamahal na hindi mo natagpuan sa akin kailanman.
Natagpuan mo na ang pag-ibig na handa ko nang ibigay ngayong wala ka na.
Bakit hinintay ko munang mawala ka, sinta?
© Minsan Okay Lang Ma-traffic | 2020
For literary pieces that make the world stop and make the world go, visit Traffic Digest‘s Literary Section.