Muli kitang nakita pagkatapos ng napakaraming araw at gabi ng pangungulila. Ibang-iba ka na. Wala na ang lungkot sa iyong mga mata. Wala na ang mga bakas ng madalas na pagluha. Hindi ka na mukhang nanghihina at puyat na puyat. Maganda ang ayos mo at halatang alagang-alaga.
Nagtama ang aming mga mata. Hindi ko alam kung batid ba niya ang naging papel ko sa buhay mo pero ako, alam ko kung paano ka niya natagpuan nang nag-iisa: dahil sinaktan kita at pinili mo nang lumaya na. Gusto kong sabihin na dapat magpasalamat siya dahil kung hindi ako naging hangal, wala ka sana sa piling niya. Pero alam kong naiinggit lang ako sa kanya sapagkat iniingatan na ngayon ang kayamanang hindi ko naalagaan nang tama.
Ganitong-ganito rin ang naramdaman ko noong huling beses tayong nagkasalubong. Halo-halo ang mga emosyon: inggit, pait, sakit, lungkot, pagmamahal, pangungulila sa iyo, galit sa sarili ko.
Sa tuwing nakikita kita sa piling niya, gusto kitang bawiin dahil ngayon ay alam ko na ang tunay mong halaga. Hindi ka na masasaktan. Hindi mo na gugustuhing lumayo pa.
Subalit sa tuwing nakikita ko kung gaano ka kasaya sa kanya, hindi ko maiwasang sambitin na, “Sana pinasaya kita nang ganiyan noong akin ka pa.”
Higit sa inggit at kung ano pa man, pagsisisi ang pinakanangingibabaw sa lahat.
Kung may magagawa lang sana ang pagsisisi para maibalik sa dati ang lahat.
Kung may magagawa lang sana ako, sinta.
© Minsan Okay Lang Ma-traffic | 2021
For literary pieces that make the world stop and make the world go, visit Traffic Digest‘s Literary Section.