Hinintay ko ang tamang panahon. Inisip kong mas magiging maganda ang bukas kaysa ngayon.
Baka bukas, mas karapat-dapat na ako.
Baka bukas, mas malaki na ang tsansa ko.
Baka bukas, maaari mo nang ituring na yaman ang pagmamahal ko.
Ngunit dumating siya. Walang kakaba-kaba. Walang takot na inihayag ang pagmamahal niya.
Ipinakita maging ang mga bahaging hindi kaaya-aya. Nagpakatotoo sa nararamdaman niya. Pinakita kung sino at ano siya. Pinatunayang kaya niyang mapabuti ang sarili dahil mahal ka niya.
Mabilis na lumipas ang mga segundo—habang ako ay narito, tinatanong ang sarili kung oras na ba para magtapat sa iyo? Ito na ba ang bersyon ko na gugustuhin mo? Sapat na ba ang naging paghahanda ko?
Naubos ang oras ko sa pagtatanong.
Huli na nang makapag-ipon ako ng lakas ng loob.
Huli na nang aminin ko ang nararamdaman ko.
Huli na para ilaban pa ang nararamdaman ko. Ako ang nauna pero naunahan na niya ako.
Hinintay ko ang tamang panahon—hanggang sa napagtanto ko na lamang na wala nang panahon.
Wala na ang katiting na pag-asang mahalin mo rin ako.
© Minsan Okay Lang Ma-traffic | 2021
For literary pieces that make the world stop and make the world go, visit Traffic Digest‘s Literary Section.