Hindi ko agad ito naunawaan noon kaya hindi rin nagkaintindihan ang ating mga puso. Totoo palang magkakaiba tayo ng lengwahe pagdating sa pagmamahal. May mas lamang ang mga salita. May mas lamang ang bawat kilos at galaw. Marami pang iba. At mapalad ang mga taong nagkakaunawaan ang kaluluwa kahit pa magkaiba ng paraan ng pagmamahal.
Mabigat ang loob, hinayaan kitang maglayag ng araw na iyon. Sa isang bahagi ng puso ko, umasa akong lilingon ka at magbibigay muli ng isa pang pagkakataon. Ngunit sa isang banda, waring batid ko na sa simula pa lang na hindi ako ang makapagbibigay ng pagsintang buong buhay mong hinahanap at hinahangad.
Tinatanong ko pa rin ang sarili ko kung minsan. Paano kung hindi tayo pinaghiwalay ng ating mga pagkakaiba? Hindi ko kailanman malalaman, pero isa lamang ang aking pinapangarap: kung hindi na talaga tayong dalawa, sana sa tamang kanlungan ka mapunta.
At kapag nahanap mo na ang taong makapagbibigay sa iyo ng kalawakan, sana maalala mo na minsan ko rin namang sinubukan—hindi lang sa paraan na iyong inasahan.
Magkakaiba tayo ng lengwahe pagdating sa pagmamahal. Ngunit hindi man iisa ang wikang ating sinasalita, sa puso ko at kaluluwa, katulad mo noon, ay wala rin akong inibig na iba.
Ikaw at ikaw, sinta.
Ikaw at ikaw; hindi mo man gaanong nadama, hindi mo man naintindihan.
© Minsan Okay Lang Ma-traffic | 2022
For literary pieces that make the world stop and make the world go, visit Traffic Digest‘s Literary Section.