Sun. May 12th, 2024
plano

Puro tayo pangarap noong nag-umpisa ang pandemyang ito.

“Kapag kalmado na, kapag puwede na ulit, isa-isa nating tutuparin ang mga plano,” sabi mo. At hindi na ako makapaghintay na makapagsimula tayo.

Ngunit habang nananabik sa pagdating ng araw na itinakda—sa panahon ng paglaya—ay unti-unti rin iniuurong ang dulo nito. Nariyan ang mga tala, ang tumataas na numero. Dumarami pa ang banta. Waring nagsasalita ang mga ito na matagal-tagal pa bago bumalik sa normal ang lahat.

Nagpatuloy tayo sa pangangarap; nanalig na darating din ang panahon para sa ating dalawa.

Subalit hindi mo talaga masasabi kung ano ang mga susunod na mangyayari. Maraming puwedeng maganap sa isang araw—lalo pa sa ilang linggo.

Lumawak nang lumawak ang distansya na sa atin ay nakapagitna. Nagyelo ang kaisa-isang daan na nag-uugnay sa atin dalawa—at sa isang iglap ay wala nang nais tumawid pa, kanya-kanyang sarili ang piniling isalba.

Ngayon, hindi ko na alam kung nasaang panig ka ng kalawakan. Hindi mo rin batid kung nasaang bahagi ako ng ating kasaysayan. At hindi na tayo maghahanapan pa. Hindi ba’t laging masakit ang katotoohanan? Pagod na tayong masaktan. Pagod na tayong magkasakitan.

Puro tayo pangarap noong nag-umpisa ito.

Mga pangarap na lang pala ang maiiwan pagkatapos.

Kung may natutunan man ako sa panahon ng panandaliang pagkabilanggo: habang hawak ang panahon ay sulitin ito.

Yayain mo siyang magkape.

Kausapin mo habang nasa iyong tabi.

Habulin ninyo ang paglubog ng araw at magkasamang salubungin ang gabi.

Ibulong ang mga salitang kailangan mong pakawalan at alam mong ikatutuwa niyang marinig.

Sabayan mo siya sa pag-uwi.

Ipilit ang mga panandaliang pagkikita kahit gaano pa kaabala.

Kalimutan ang lahat ng takot, mga agam-agam, at iba pang pumipigil sa iyo na maging ikaw kapag nasa harapan niya. Magpakatotoo habang may oras pa. Ipadama mo ang kanyang halaga.

Walang sinuman ang nakakitang magaganap ito sa mundo. Maging ang mga eksperto ay nalusutan ng delubyong ito. At tayo, hinayaan nating maging kahapon ang ngayon. Hindi rin natin nakitang paparating ito.

Kung maibabalik ko lamang ang panahon, wala akong palalampasin ni isang segundo. Mas napatibay sana natin ang pundasyon; may mga alaala sana tayong binabalikan ngayon, may mga gunita sanang pinanghihinayangang mauwi sa wala.

Subalit huli na para sa ating dalawa.

Isang araw, matatapos din ang lahat ng ito—pero wala nang “tayo”.

Wala nang matutupad na mga plano.

Writer’s note: Iba-iba lang ang mukha, iba-iba lang ang istorya, ngunit bawat isa ay mayroong pinanghihinayangan. Ang masaklap, hindi lahat ng pagkaantala ay dala ng pandemya. Ang iba, dala ng paulit-ulit mong pag-atras, pagkatakot, paniniwala na marami pang oras, at iba pa.

Kaya sana, pagkatapos nito, kapag wala na lahat ng limitasyon, kung mabibigyan ka pa ng pagkakataon, gawin mo na sana ang lahat ng mga ipinagpaliban mo noon.

© Minsan Okay Lang Ma-traffic | 2020

For literary pieces that make the world stop and make the world go, visit Traffic Digest‘s Literary Section.

By Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic, Muli, Minsan Okay Lang Ma-traffic, and 12.31.23; the books that were published following the success of her literary Facebook blog, Minsan Okay Lang Ma-traffic. A journalist for over a decade now, she worked as a news reporter for Manila Bulletin from 2014 to 2018, covered entertainment and social news beats as a senior writer at Definitely Filipino since 2015, and co-owns Traffic Digest and Reels. People. Words. news sites since 2022. Aside from her journey as a news and literary writer, she has also been a speaker and a judge for campus journalism workshops and competitions, and a senior content strategist at The SVEN Group.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *