Sun. May 12th, 2024
all too well

“And I forget about you long enough to forget why I needed to.”

Taylor Swift, All Too Well

Para sa akin, isa ang All Too Well ni Taylor Swift sa pinakamasasakit na kantang naisulat sa kasaysayan ng musika.

Hindi ko alam, may ibang kurot at may ibang kirot na dala. Masasaktan ka kahit hindi ka naman nasasaktan sa totoong buhay, at mas masasaktan ka pa kung nagkataong sumakto sa iyong pinagdadaanan. Kung binabasa mo ito ngayon at isa ka sa mga naapektuhan ng kanta dahil sinasalamin nito ang situwasyong kinabibilangan mo, tiyak na mauunawaan mo ang mga sinasabi ko.

Hindi biro ang madurog ng isang kanta. Ilang minuto lamang kung tutuusin pero hindi mo kontrolado ang pagdurugo ng sugat na sariwa pa o ang laki ng ibinububuka ng sugat na ayaw mo ay naghilom na. Ilang minuto lamang pero hindi natatapos agad ang epekto sa iyong puso at kaluluwa, ulitin mo man o hindi ang pagpapatugtog ng kanta.

Pero ang kagandahan sa mga kanta, mas matagal madalas ang buhay nito kaysa sa mga emosyon at pinagdaraanan ng puso mo. Tutugtog at tutugtog ito—pero uusad at uusad ka din sa paglipas ng panahon.

Darating ang panahon kung kailan hindi ka na maaapektuhan ng kantang iyan.

Pakikinggan mo ulit iyan. Hindi ka na matatakot sa posibilidad na dumugo muli ang mga sugat. Matitiyak mong magaling ka na, at maging ang mga bakas ng mga bahaging minsang nahiwa ay hindi na makapagdadala ng pagdurusa. Sa pagkakataong iyon, tuyo na ang mga luha—at sigurado ka nang hindi na muling papatak ang mga iyon dahil sa kanya, o para sa kanya.

Pakikinggan mo ulit iyan. Hindi ka na masasaktan. Hindi ka na mawawasak pa ng mga linya. Mawawalan na ng epekto maging ang nakalulumbay na melodiya. Hindi na sisikip ang dibdib mo sa tuwing iyong sasabayan. Hindi ka na rin tatablan ng mga manunumbalik na alaala. Sa panahong iyon, maaaring gustuhin mo pa ring pakinggan nang paulit-ulit ang kantang iyan—ngunit hindi na dahil sa sakit na iyong nararamdaman.

Oo, pakikinggan mo ulit iyan. Sa oras na iyon, kalmado na ang pusong minsang ihinele ng malungkot na musika. Doon, mapagtatanto mong tapos na ang lahat. Doon mo matitiyak na nakapagsimula ka na.

At sa tamang panahon, kung mas papalarin ka pa—kung mabibigyan ng higit pa sa biyaya ng kalayaan—matatagpuan mo rin ang pag-ibig na maglalagay ng tuwa maging sa pinakamalulungkot na kanta.

© Minsan Okay Lang Ma-traffic | 2020

For song reviews and reactions that make the world stop and make the world go, visit Traffic Digest‘s Traffic Playlist.

By Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic, Muli, Minsan Okay Lang Ma-traffic, and 12.31.23; the books that were published following the success of her literary Facebook blog, Minsan Okay Lang Ma-traffic. A journalist for over a decade now, she worked as a news reporter for Manila Bulletin from 2014 to 2018, covered entertainment and social news beats as a senior writer at Definitely Filipino since 2015, and co-owns Traffic Digest and Reels. People. Words. news sites since 2022. Aside from her journey as a news and literary writer, she has also been a speaker and a judge for campus journalism workshops and competitions, and a senior content strategist at The SVEN Group.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *