Sat. May 11th, 2024

“And the winner is……!”

Marami ang napasaya at naantig sa kaganapan nitong Martes, Setyembre 19, sa programang “It’s Showtime” nang makamit ng isang single mother na contestant ang minimithing jackpot na aniya ay isang malaking tulong para sa kanila ng anak. 

Sa loob ng ilang linggo ay hindi napagwawagian ang jackpot prize sa “Isip Bata” segment ng naturang programa kaya’t palaki ito nang palaki patungo sa isang milyong piso.

Sa jackpot round ay naipares ang single parent na si Ruby sa batang si Argus – ang “Batang Cute Po”. 

Sa segment na ito ay kailangang magtugma ang sagot ng contestant na si Nanay Ruby sa sagot ng batang si Argus nang makatlong beses para mapanalunan niya ang jackpot prize na umabot na sa P750,000. 

Matapos magtugma sa naunang dalawang tanong, ang ikatlong sagot nila ni Argus ay nagtugma rin — “Yung nakakapagpabango ng hininga” — kaya’t walang pagsidlan ng tuwa ang butihing ina nang lumabas na wagi siya sa jackpot.

Bumuhos ang confetti sa panalong iyun kasabay ng luha ng kagalakan ni Nanay Ruby at ng hiyawan ng lahat ng nasa studio.

Nang tanungin ni Vice Ganda kung ano ang tumatakbo sa kanyang isip sa sandaling iyun, sagot ni Nanay Ruby, “Nagte-thank you talaga ako, kasi pang tuition talaga siya ng anak ko, kasi single mom talaga ako, kasi wala akong trabaho. Para sa pag-aaral niya.”

Inamin nitong pinagdadasal niya talagang manalo para masagot ang pag-aaral ng anak niya sa kolehiyo dahil napatigil ito sa kursong BSIT dahil sa kakulangan nila sa pinansyal.

Ang jackpot prize at ang nauna niyang napagwagian na P11,000 ay para umano sa pag-aaral ng kanyang anak na  nagkataong tinawag niyang Kim, pinaiksi sa Kimberly Rose.

Ayon sa mga hosts na sina Vice, Anne Curtis at Kim Chiu, may mga pahiwatig na nakatakda ang pagwawagi ni Nanay Ruby dahil sa ilang pag-uusap nila bago ang pagkapanalo nito.

Panoorin ang winning moment:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *